Dito Pa Rin Ako



Thursday, October 11, 2007
BAKIT GUSTO KONG MANATILI SA PILIPINAS.

Ang mga mababasa niyo sa ibaba ay hango sa ginawa kong artikulo na nailathala sa school paper namin noong 2005. Halaw ito mula sa libro ni Bob Ong na "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" Humihingi ako ng paumanhin kay Bob Ong dahil hindi ko siya nabigyan ng karamnpatang pagkilala sa isinulat ko dati. Narito na ang gawa ko na med yo marami atang mga grammatical errors pero narito na nga ang mga pananaw ko noong ako'y 15 y/o. (Parang ang tagal na nun ah, hehe..)

Sa kabila ng kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas, sa kabila ng paghihirap na nararanasan natin dito at sa dinami-dami pa daw ng mga maaari kong gawin ay ang manatili pa daw sa walang kwentang bansang ito ang gusto ko. Sabi pa ng mga kamag-aral ko, masyado naman daw akong nagpapaka-martir; maging praktikal naman daw ako. Ngunit para maliwanagan ang lahat, gusto kong ilahad ang aking mga dahilan kung BAKIT GUSTO KONG MANATILI SA PILIPINAS.

Ayokong mahiwalay sa aking mga mahal sa buhay.

Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging malapit sa ating mga mahal sa buhay. Kapag may kapamilya tayo (pasensya na sa mga kapuso) na may problema, palagi tayong nandiyan para tumulong at dumamay. Halimbawa na lamang kung walang pera ang isa nating kamag-anak at lumapit sa inyo para humingi ng tulong, hindi ba’t magbibigay kaagad tayo sa abot ng ating makakaya. Kaya kung mahihiwalay ka sa kanila, kanino ka hihingi ng tulong? Sino ang dadamay sa iyo kapag may problema ka?

Isa pang puntong maaari ninyong isipin ay puwede naman kayong lahat ng pamilya mo ay umalis para magkakasama pa rin kayo. Dito ko naman papasok ang sinasabi nilang pagiging “praktikal”. Kung aalis kayong lahat, magkano ang gagastusin ninyong pamasahe papunta ng halimbawa sa Amerika? Paano pa kung wala kayong Visa? Isipin niyo pa ang iba niyo pang gastusin tulad ng pamasahe papunta ng embahada araw-araw para mag-follow up sa aplikasyon ninyo. Pati na ang pagod at hirap na gagawin ninyo para lang makapag-apply. Sana nagamit ninyo na lang ito para ipang-puhunan sa negosyo, ipinang-paaaral o ibinili ng inyong pagkain. Iyong iba mangungutang pa. Kaya lalo lang silang malulubog sa pagkakautang.

Bakit mo pa kailangang umalis kung kayo ay nakakakain ng tatlong beses isang araw, nakakapag-aral ka sa magandang paaralan, may permanenteng tirahan kayo, may trabaho kang disente at hindi kayo nagkakasakit? Hindi pa iyon sapat? Hindi pa ba kayo nakuntento sa mga ganoong bagay. Mas maiintindihan ko pa kung iyong mga taong-grasa ang magsasabi na ayaw na niya dito sa Pilipinas.

Gusto ko pang puntahan ang mahigit 7,100 isla ng Pilipinas at tuklasin pa ang natatanging ganda nito.

Ito naman siguro ang tamang dahilan para sa mga taong nagsasabi na pangit ang Pilipinas at mas maganda pa ang Disneyland at ang pag-ulan ng snow (niyebe). Ano na ba ang mga napuntahan mo dito sa Pilipinas? Siguradong ang una mong ipagmamalaki ay ang Baguio at Boracay at malamang na ito ang alam ng karamihan.

Alam mo ba kung saan ang Calauit Island? Nakita mo na ba ang Hundred Islands? Kung inaakala mong ang Hawaii lang ang pinakamagandang “surfing site”, sa Pilipinas ang Siargao Island ang pantapat natin.

Ilan lamang iyan sa mga maipagmamalaking ganda ng Pilipinas na hindi pa antin marahil nakikita. Sa litrato lamang natin ito madalas makita, pero bakit hindi natin sila ninais na makita pero bakit ang Disneyland naririnig lang natin ito, pero gusto nating makapunta dito

Wala tayong karapatan na maging turista ng ibang bansa kung sa mismong bansa mo ay turista ka.

Ang Pilipinas ang tanging bansang kumupkop sa akin.

Noong ipinanganak ka, tinanggap ka ng buong puso ng Pilipinas kahit hindi niya alam kung magiging pahirap o produktibo kang mamamayan. Kahit na marami siyang pagkukulang, pinilit niya na magkaroon ka ng makakain araw-araw, makapag-aral, maging malusog at mabuting Pilipino.

Kahit na naghihikaos na siya, binubuhay pa rin niya tayo. Hindi siya nagsasawang paglingkuran tayo kahit na iginaganti natin ay pagiging walang kwenta at utang na loob.

Maraming Pilipino ang ayaw sa Pilipinas. Pero naisip ba nila na gusto din ba sila ng Pilipinas. Paano na lang kung noong isinilang tayo, kailangan pa nating maghanap ng sariling bansa? Paano na lang kung may pagsusulit, aplikasyon at kailangan na taon-taon ay mag-renew ng lisensya bilang Pilipino? Ano kaya ang mararamdaman ng ating mga bayani kung nabubuhay sila at makikita tayo na ipinagwalang-bahala natin ang bayang ipinagatanggol nila? Manghihinayang siguro sila sa ginawa.

Mahal ko ang Pilipinas.

Katulad ng mga sundalo na nasa isang digmaan, hindi ko iiwanan ang aking mga sugatang kasama. Bubuhatin ko sila at ililigatas sa kapahamakan. Sa ating bansa ngayon, marami ang naghihirap, nagugutom, nalilito at naliligaw ng landas.

Sa ganitong mga pagkakataon, mas kailangan tayo ng mga taong ito. Para sa akin, mas gugustuhin kong sama-sama kaming naghihirap at aahon mula dito kaysa iwanan ko silang naghihirap habang maginhawa ang aking buhay. Mas masarap ang pakiramdam kung tayong lahat ay nagdadamayan at sumusuporta sa isa’t-isa sa oras ng kagipitan. Lalong mas masarap kung sabay-sabay tayong nagsusumikap na iahon ang ating bansa.

Ako ay Pilipino.

Masarap ang maging Pilipino. Maraming katangiang bukod tangi sa atin. Ang mga Pilipino ay mababait, matulungin, mapagbigay, masayahin at may takot sa Diyos. Ang mga Pilipino lamang ang kayang madapa at tumayo ng ilang libong beses. Ang mga Pilipino ay matapang; humaharap sa anumang hamon ng buhay. Ilan lamang iyon sa mga katangian ng isang Pilipino. Ngunit ano pa man ang aking dahilan dito pa rin ako sa Pilipinas.

Alam kong maraming pintas ang Pilipinas. Ngunit bakit ba natin ito pinipintasan? Dahil sa tayo’y isang bansang naghihirap at mukhang walang patutunguhan. Itatakwil ninyo pa ang pagiging Pilipino kapag nakaalis na kayo. Pero ito lang ang masisiguro ko, kapag dumating ang nalalapit na panahon na uunlad ang Pilipinas at maghihirap ang mga bansang pinpangarap ninyong puntahan. At sa mga panahong iyon babalik kayo dito at sasabihin ninyo, Pilipino na ulit kayo.

Walang masama sa pangingibang-bayan. Walang masama kung gusto mong lumundag sa isang barkong sa tingin mo ay papalubog. Basta’t huwag mo lamang palulubugin ang barko habang pinipilit at nagsusumikap ang ibang tao na isalba ito.

Ano pa man ang dahilan para umalis o manatili ako dito, mas gugustuhin ko pa rin dito. Tayo ay dapat tumulong sa Pilipinas bilang isang Pilipino. Pilipino ako at hindi ko iiwan ang bayan ko, Ang Pilipinas, ang bansa ng magiting na lahing Pilipino.

Labels:

posted by J.D. Lim @ 10/11/2007 01:44:00 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
 

Dito Pa Rin Ako

↑ Grab this Headline Animator


about me
My Photo
Name:
Location: Bulacan, Region III, Philippines

The journey is just beginning.



Previous Posts
Archives
Links
Chatbox



Counter/Listings

Hit Counter
Macys Coupons

Listed on BlogShares

Page Ranking Tool


My blog is worth $1,693.62.
How much is your blog worth?


Template By
Free Blogger Templates
 
 

Business Affiliate ProgramsSalePersonalsAdvertisingShopping